Nakatakdang ipatupad ng pamahalaan ang malawakang pagpapalawak ng produksyon ng ube sa bansa upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng demand nito sa pandaigdigang merkado.
Hihingi ang Department of Agriculture (DA) ng PHP300 milyong paunang pondo na naglalayong kahit man lamang mapdoble ang kasalukuyang ani ng ube at mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas na mag-luwas nito sa ibang bansa.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng hakbang na ito na tiyaking masusulit ng mga lokal na magsasaka ang mga oportunidad mula sa sumisikat na produktong Pilipino.
“Nais nating tuloy-tuloy na paunlarin ang industriya ng ube, na kinagigiliwan na ngayon sa buong mundo, upang maiwasan ang mga naging pagkakamali natin sa ibang high-value crops na nagkaroon din ng mataas na demand sa ibang bansa,” pahayag ni Tiu Laurel.
Sa ilalim ng paunang plano, maglalaan ang kawanihan ng humigit-kumulang PHP850,000 bawat ektarya para sa pagpapaunlad ng sakahan, mga pasilidad, at produksyon. Nakatakda itong ipatupad sa darating na Nobyembre, sakto sa panahon ng pag-aani at pagpaparami ng tanim.
Inaasahang madodoble ng pondong ito ang kasalukuyang sakop ng taniman ng ube bilang simula ng mas malawak na planong pagdaragdag ng 1,000 ektarya sa loob ng unang taon.
Paliwanag naman ni DA Undersecretary for High-Value Export Crops Philip Young, bahagi ito ng mga hakbang ng kawanihan upang makabuo ng matibay na supply chain at mapalawak ang merkado ng mga produktong agrikultural ng bansa sa ibang panig ng mundo.
Serbisyong Proteksyon sa Lokal na Industriya
Kasabay ng planong pagpapalawak, nagpatupad ang DA ng pansamantalang pagbabawal o temporary ban sa pag-e-export ng raw ube at mga planting material nito hanggang 2028.
“Upang maging malinaw, ipinagbabawal natin ang pagpapadala sa labas ng bansa ng ube planting material. Ang raw ube ay madali kasing hiwain at itanim agad, kaya ang talagang ipinagbabawal natin ay ang pagbebenta ng unprocessed at untreated na raw ube na pwedeng gamiting pampatubo,” diin ni Tiu Laurel.
Mananatili ang nasabing ban habang pinalalakas pa ng pamahalaan ang mga programa para sa mga lokal na magsasaka at ang suporta sa mga processed ube export products ng Pilipinas.