Courtesy of PNP
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kanilang Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang pagbabantay sa mga iligal na aktibidad na may kaugnayan sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Police (NCAP).
Layon nito na protektahan ang mga motorista laban sa mga scammer na nangingikil ng pera sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga mensahe sa text at website.
Ayon kay Nartatez, nakatatanggap sila ng mga ulat hinggil sa mga nagpapadala ng pekeng text message na nagsasabing mayroon umanong hindi pa nababayarang paglabag sa trapiko ng mga nakatatanggap nito.
Sa ilalim kasi ng NCAP, maaaring beripikahin ng mga motorista ang mga naitalang paglabag sa kalsada at trapiko sa pamamagitan ng mga awtorisadong online platform gaya ng eGovPH application.
Gayundin sa mga online service na ibinibigay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) partikular na ang #MayHuliKa app.
Nagbabala ang PNP Chief sa mga kriminal na nagsasamantala sa pagtitiwala ng publiko na may kalalagyan ang mga ito dahil sa kanilang sinisira ang tiwala ng publiko sa Pamahalaan.