Nananatiling mataas ang morale ng mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Sa kaniyang pagbisita sa Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP-WESCOM) sa Palawan, sinabi ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. na gumagawa ng paraan ang Pamahalaan upang mapanatili ang operasyon doon.
Magugunitang dalawang linggo nang walang suplay ng pagkain at inumin ang mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre matapos na suspindehin ang Rotation and Re-supply (RORE) mission dahil sa ginagawang pagharang ng mga barko ng China.
Giit ng Kalihim, hindi titigil ang pamahalaan sa paggawa ng mga hakbang upang maitaguyod ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipino para sa susunod na henerasyon.
Una rito, kinumpirma ng AFP na naidulog na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagharang ng China sa RoRe mission sa BRP Sierra Madre na isang tahasang paglabag sa International Law, UNCLOS, 2016 Arbitral ruling.