Bilang paghahanda sa posibleng matinding epekto ng tagtuyo sa mga magsasakasa nagsagawa ang Bureau of Soil and Water Management (BSWM) katuwang ang Department of Agriculture (DA) ng mga pamamaraan upang matugunan ang kakulangan ng tubig sa mga sakahan.
Kabilang ang mga Small Scale Irrigation Program partikular ang Small Water Impounding Project (SWIP) na kaagad na magagamit ng mga magsasaka sa panahon ng pangangailangan lalo na ngayong mayroong “Strong El Niño.”
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Engineer Diosdado Manalus, Hepe ng Water Resources Management Division ng DA-BSWM, sinabi nito na nakapagpatayo na sila ng 874 SWIP sa buong bansa na napakikinabangan na ng mga magsasaka.
Aniya, bukod pa sa SWIP, nagsasagawa rin sila ng cloud seeding katuwang ang Philippine Air Force at iba pang mga ahensya upang makatulong sa pagpaparami ng tubig sa mga water reservoir sa iba’t ibang rehiyon para sa maayos na supply sa mga irigasyon patungo sa mga sakahan.
Samantala, sinabi rin ni Engr. Manalus na maliban sa epekto ng El Niño, maaari ring ipasuri ng mga magsasaka ang kalidad ng kanilang lupa para sa wastong pangangalaga nito nang makapagbigay ng magandang ani.