Iniulat ni Interior Secretary Jonvic Remulla na 13 miyembro ng grupong True Brown Style (TBS) ang naaresto ng mga awtoridad noong isang araw.
Sa ambush interview sa Camp Vicente Lim sa Calamba City, Laguna, sinabi ni Remulla na sangkot ang mga ito sa ilegal na droga, illegal possession of deadly weapons, at theft.
Natukoy aniya ang mga ito sa pamamagitan ng intelligence network ng pulisya, matapos suriin ang buong hierarchy ng TBS sa Maynila.
Kinuwestiyon din ni Remulla ang pagpapakilala ng grupo bilang community service-oriented na namimigay pa ng bigas, pero tanong niya, saan galing ang mga ito.
Gayunman, bukas pa rin ang kalihim sa pakikipag-dayalogo sa grupo.
“Alam mo TBS is a force of chaos now but they can be a force of good kung magbago sila so I plan to engage them, talk to them, persuade them na sabihin sa kanila magbago na kayo, tumulong na lang kayo kaysa magpahamak sa buong Pilipinas,” ani Remulla.
Sinabi ni Remulla na wala pang petsa ang dayalogo, pero planong simulan ito ng kalihim sa Cavite.
Nilinaw naman niya na hindi titigilan ang grupo hangga’t hindi natitigil ang kalokohan nito.
Giit ni Remulla, sa walong focus crimes sa bansa, robbery lang ang tumaas, na iniuugnay niya sa initiation ng TBS kung saan pinagnanakaw ang mga miyembro nito sa mga convenience store.