Inatasan ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. ang Armed Forces of the Philippines (AFP) gayundin ang iba pang law enforcement agencies na paigtingin pa ang ipinatutupad na seguridad at pag-isahin ang hakang kontra krimen at iligal na droga.
Ito’y ayon sa kalihim ay matapos ang nangyaring pananambang sa isang military convoy sa Tipo-Tipo sa Basilan kamakalawa na ikinasugat ng hindi bababa sa 10 sundalo.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng kaniyang pagbisita sa mga sundalo sa Army’s 1101st Infantry Brigade Headquarters sa Camp Luis Biel II sa Isabela City sa Basilan kahapon.
Una rito’y nagsagawa ng security briefing ang kalihim kasama si AFP Chief of Staff, Gen. Antonio Nafarrete gayundin ng liderato ng 11th Infantry Division ng Philippine Army at Western Mindanao Command (WesMinCom).
Mahigpit din ang atas ni Teodoro sa mga sundalo at iba pang tagapagpatupad ng batas na dapat naka-angkla ang kanilang latag ng seguridad sa mga itinatakda ng prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro sa panahong ito ng decommissioning.
Una rito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na mayroon na silang Person of Interest (POI) sa insidente dahil sa may Warrant of Arrest ang mag-asawang kabilang sa mga nasa likod ng pananambang.
Matapos nito, personal na binisita ng kalihim, kasama ang liderato ng AFP ang mga sugatang sundalo sa pananambang at ginawaran ang mga ito ng “Medalya ng Sugatang Magiting.”
📸 DND

