Para sa mas mabilis na pagtugon sa mga kaso ng pang-aabuso at iba pang panganib sa mga bata, pinag-ugnay na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Council for the Welfare of Children (CWC) ang Unified 911 at MAKABATA Helpline 1383.
Kasunod ito ng paglagdag sa isang Memorandum of Understanding nina DILG Secretary Jonvic Remulla para sa Emergency 911 National Office at CWC Executive Director Usec. Angelo Tapales.
Ayon sa DILG, umabot na sa 450 ang mga tawag na may kinalaman sa mga bata ang nahawakan ng Unified 911 sa buong bansa hanggang Setyembre 2026. Kabilang dito ang mga ulat ng pang-aabuso, sexual harassment, maltreatment, rape, human trafficking, at prostitution.
Sa ilalim ng kasunduan, iko-coordinate ng Unified 911 ang mga MAKABATA 1383 cases na nangangailangan ng agarang police, fire, medical, rescue, social welfare, at iba pang government assistance.
Magbibigay naman ang CWC ng training sa personnel ng dalawang hotline tungkol sa trauma-informed interviewing at child protection protocols, para matiyak ang sensitibong pakikipag-usap sa mga bata at maiwasan ang muling pag-trauma sa mga biktima.
Tiniyak naman ng dalawang ahensya ang pagsunod sa Data Privacy Act at iba pang privacy rules, kabilang ang paglilimita sa access sa personal data at call recordings sa mga awtorisadong personnel lamang.