Suportado ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pagrepaso ng Ombudsman Act of 1989 para mapalakas ang anti-corruption efforts sa pamahalaan.
Kasunod ito ng pagtalakay sa Senado sa Senate Bill No. 2394 o proposed Ombudsman Anti-Corruption Law Enforcement Powers Act.
Ayon kay Ombudsman Remulla, handang makipagtulungan ang kanilang tanggapan sa Kongreso para repasuhin ang mga umiiral na mekanismo at mapabuti ang pananagutan sa gobyerno.
“We welcome discussions on updating the law to respond to present-day challenges in fighting corruption. We are ready to work with Congress on reforms that will help us better serve the public and exact accountability in government,” ani Remulla.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights at Committee on Ways and Means sa panukala, tinukoy ang layon ng panukala na amyendahan ang Section 15 ng Republic Act No. 6770 o Ombudsman Act of 1989 at tugunan ang mga enforcement gap sa anti-corruption investigations at pagpapatupad ng mga legal na utos at direktiba ng Ombudsman.
Kabilang sa mga tinalakay ang mga mekanismo para sa searches, arrests at contempt, na dapat sumunod sa mga itinatakda ng Konstitusyon at batas.