Pinaghahanda na ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang mga magsasaka sa posibleng worst-case scenario na idulot ng El Niño.
Sa panayam ng Usapang Agrikultura kay SINAG President Rosendo So, sinabi niyang ilan sa mga nakikita nilang solusyon upang mapataas pa rin ang produksiyon sa irrigated farmlands ay ang pagtatanim ng fast-growing crops.
Sa loob lang kasi ng 45 days ay posible nang maani ang mga tanim na pasok pa rin sa panahon bago sumipa ang inaasahang matinding epekto ng El Niño.
Nagpaalala rin ito sa mga magsasaka na hindi naman sakop ng irigasyon at walang maayos na irrigation source at system, na huwag nang sumugal pa sa pagtatanim ng palay lalo na kung ang lugar nila ay kasama sa mga makararanas ng drought condition at dry spell.
Sa ngayon, umaarangkada na ang panahon ng anihan ng palay na magtatagal hanggang Nobyembre. Umaasa naman ang SINAG na kakayanin ng suplay ng tubig sa mga dam ang pagsu-suplay sa mga sakahan, upang hindi masyadong maramdaman ang epekto ng El Niño lalo’t mas maganda naman ang lebel ng tubig ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.