Nagbabala ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) lalo na sa mga nagnanais magpapayat.
Payo ng CIDG, suriing maigi ang mga produktong binibili gaya ng mga “slimming coffee” upang hindi malagay sa peligro ang kalusugan at kaligtasan.
Nitong October 6, sinalakay ng mga awtoridad ang isang bodega sa Brgy. Parulan, Plaridel, Bulacan kung saan, nasabat ang mga pekeng slimming coffee na nagkakahalaga ng ₱6.1 milyong piso.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng nasa walong suspek na kinabibilangan ng isang Chinese at pitong Pilipinong manggagawa ng nasabing pasilidad.
Naaktuhan silang gumagawa ng pekeng produkto nang walang kaukulang dokumento o permit mula sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Dahil dito, mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.

