Puspusan ang mga isinasagawang paghahanda ng Philippine National Police partikular ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa gaganaping ASEAN Summit sa bansa sa darating na November 16 hanggang 18.
Sa panayam ng PTV kay NCRPO Spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo sinabi niyang tinututukan na ng PNP ang Intelligence gathering at information monitoring upang agad na matukoy ang mga posibleng banta sa seguridad ng mga ASEAN leaders at mga delegado.
Bukod sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga National Intelligence agencies ng bansa ay inactivate na rin ng PNP ang Intelligence Fusion Centers na mas makatutulong sa mas mabilis na pagbabahagi ng mga impormasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang security stakeholders.
Mapalalakas din nito ang koordinasyon sa iba’t ibang key areas sa gaganaping ASEAN Summit tulad ng hotels at iba pang commercial establishments upang mas mapahigpit ang kordon ng seguridad.
Sa ngayon, nasa pinal na bahagi na ang security plan para sa gaganaping ASEAN Summit.