Nakatakdang inspeksyunin muli ngayong araw ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang isinasagawang rehabilitasyon ng Maysan Road sa Valenzuela City.
Kasama ng kalihim sa gagawing inspeksyon ngayong umaga si Valenzuela Mayor We Gatchalian.
Una nang sinuri nina Dizon at Gatchalian ang Maysan Road noong Agosto, kasunod ng mga reklamo sa mga malalang lubak at mabigat na daloy ng mga sasakyan sa lugar.
Sa inilabas namang update ng Valenzuela LGU, as of October 2, nasa 35% kumpleto na ang rehabilitasyon sa mga bahagi ng Maysan Road mula Tierra Santa hanggang T. Santiago.
Sa bahagi ng Landbank, bukas na sa mga motorista ang eastbound lane habang sinisimulan ang westbound. Sa Expo Commercial Center naman, tapos na ang westbound ngunit hindi pa ito binubuksan sa trapiko.
Ayon sa LGU, gumagamit ang DPWH ng mas matibay na concrete materials at mas makapal na bakal para sa rehabilitasyon.
May nakalatag na rin umano itong plano para makatulong na maiwasang agad masira ang bagong gawang kalsada, lalo na dahil sa mga overloaded na truck.