Photo courtesy of House Speaker Bojie Dy
Hinikayat ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga opisyal ng barangay na gamitin ang pinahabang termino sa pagtutok sa kapakanan, kaligtasan at pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Sa kaniyang pagdalo sa LegisHear consultation sa Victorias City, Negros Occidental, sinabi ni Dy na sa Nobyembre 2028 na idaraos ang susunod na halalan sa barangay.
Ayon kay Dy, dapat gamitin ng mga opisyal ang mas mahabang panahon sa panunungkulan upang higit na mapangalagaan at maging ligtas ang kanilang mga barangay.
Binigyang-diin din ng Speaker ang mahalagang papel ng mga barangay officials sa LegisHear dahil sila ang direktang nakakaalam sa mga problema at pangangailangan ng kanilang komunidad.
Aniya, layunin ng konsultasyon na ilapit ang Kongreso sa mga mamamayan upang direktang marinig ang mga isyung dapat tugunan sa pamamagitan ng mga bagong batas.
Partikular na binanggit ni Dy ang kaligtasan ng mga bata, kabilang ang mga hakbang upang maiwasan ang pagkakaroon nila ng access sa mga baril na nasa loob ng tahanan.
Hinimok niya ang mga opisyal ng barangay na gamitin ang LegisHear upang tukuyin ang mga kakulangan sa kasalukuyang polisiya at magmungkahi ng praktikal na solusyon para sa kanilang mga komunidad.