Nagbabala ang Office of the Ombudsman sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na gumagamit ng gasolinang para sa government vehicles sa kanilang mga pribadong sasakyan.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hindi palalampasin ng ahensya ang ganitong gawain lalo na ngayong mataas ang presyo ng gasolina.
Inihalimbawa nito ang kaso ni dating Bohol 2nd District Provincial Board Member Vierna Mae Boniel-Maglasang, na sinibak sa serbisyo dahil sa dalawang counts ng serious dishonesty.
Ayon sa Ombudsman, ginamit umano ni Boniel-Maglasang noong 2024 ang 100 litro ng gasolina na nakalaan para sa government vehicle para sa mga pribadong sasakyan.
Bukod sa dismissal, kinansela rin ang kanyang eligibility, pinagbawalang kumuha ng civil service examination, at nawala rin ang kanyang retirement benefits.
Giit ng Ombudsman, sinumang government official na mapapatunayang sangkot sa ganitong gawain ay haharap sa pinakamabigat na parusa na naaayon sa batas.