Magpapadala ang Police Regional Office 6 ng 400 pulis na tutulong sa Police Regional Office Negros Island Region sa pagpapatupad ng seguridad para sa 47th Masskara Festival 2026 sa Bacolod City.
Isinagawa ang send-off ceremony para sa mga tauhan sa PRO-6 Multi-Purpose Hall, Camp Gen. Martin Teofilo B. Delgado sa Iloilo City.
Dumalo sa seremonya si PBGen Rudecindo L. Reales, Regional Director ng PRO-NIR, kasama ang mga pangunahing opisyal ng PRO-6 at mga tauhang idine-deploy sa Negros Occidental.
Pinaalalahanan na naman PRO-6 Director PBGen. Randulf Tuaño ang mga pulis na maging responsable, propesyonal at disiplinado sa kanilang deployment.
Hinimok din niya ang mga ito na maging madaling lapitan ng publiko, manatiling alerto, sundin ang mga tagubilin at tiyaking naipatutupad ang mga police procedures.
Binigyang-diin din ni Tuaño sa mga commander ang kahalagahan ng maayos na briefing, deployment, komunikasyon at koordinasyon sa buong security operations.
Samantala, nagpasalamat si PBGen Reales sa PRO-6 sa patuloy na suporta at pakikipagtulungan nito sa PRO-NIR, partikular sa pagpapadala ng karagdagang tauhan para sa seguridad at public safety operations ng festival.
Mananatili ang 400 tauhan sa Negros sa loob ng 12 araw bilang augmentation force para makatulong sa pagpapanatili ng ligtas, mapayapa at maayos na pagdaraos ng Masskara Festival 2026 para sa mga residente, bisita at turista. | Paul Tarrosa, Radyo Pilipinas Iloilo
📷 PRO-6