Ipinag-utos ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito na paigtingin ang pangangalap ng impormasyon at pagmamanman laban sa mga dayuhang wanted sa batas.
Ito’y ayon sa PNP, kasunod ng pagkakaaresto sa isang Chinese fugitive na halos 12 taon nang overstaying sa Pilipinas.
Kasunod nito, sinabi ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga kinauukulang yunit ng Pulisya na paigtingin ang kanilang operasyon sa mga dayuhang pugante na pinaaaresto sa kanilang bansa.
Una rito, inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang Chinese national sa Brgy. Sto. Domingo sa Angeles City, Pampanga na nahaharap sa kasong “Fraud” sa South Korea.
Ayon kay Nartatez, ipinakikita lamang nito ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas at pakikipagtulungan sa mga foreign counterpart para maiwasang magamit ang bansa ng mga puganteng tumatakas sa pag-uusig.