Photo courtesy of DHSUD
Mahigit 300 indibidwal mula sa Quezon City at Caloocan City ang nakinabang sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program ng pamahalaan matapos makatanggap ng kani-kanilang titulo ng lupa.
Pinangunahan ni DHSUD Sec. Jose Ramon Aliling ang pamamahagi ng 91 Transfer Certificates of Title o TCT sa mga pamilyang kabilang sa homeowners’ associations na saklaw ng Enhanced Community Mortgage Program o ECMP ng Social Housing Finance Corporation.
Sa kabuuang titulo, 63 ang ipinagkaloob sa mga benepisyaryo mula sa Quezon City, habang 28 naman ang para sa Camarin Mahogany Homeowners Association sa Caloocan City.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang mga titulo dahil nagsisilbi itong pormal na patunay ng pagmamay-ari ng lupa at nagbibigay ng mas matibay na seguridad sa tahanan ng mga benepisyaryo. Bahagi ang pamamahagi ng pagdiriwang ng National Shelter Month 2026.