Nakalalamang ang Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa sa ASEAN pagdating sa mga paghahanda sa paggamit ng nuclear energy.
Ito ang pagtataya ni Energy Secretary Sharon Garin sa pagtatapos ng 44th ASEAN Ministers on Energy Meeting.
Ayon kay Garin, may mga bansa sa ASEAN na nagpapahayag ng interes sa pagtatayo ng nuclear facility, ngunit nakahanda na ang Pilipinas pagdating sa polisiya at batas. Nagkaroon na din ng karanasan ang bansa sa pagtatayo ng nuclear power plant sa Bataan, bagamat hindi ito naging operational.
Dagdag pa ng kalihim, nagtutulungan na ang Department of Energy at International Atomic Energy Agency para sa evaluation.
Sa kasalukuyan, wala pang operasyonal na nuclear power plant sa ASEAN region.
Matatandaang mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsulong sa kanyang huling SONA ng paggamit ng nuclear energy bilang bahagi ng energy mix ng bansa, upang mapalakas ang supply kuryente, kasabay ang pagpapababa ng presyo nito.