Isang makasaysayang tagumpay para sa Civil Aviation Training Center o CATC ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, matapos makakuha ng puwesto sa TRAINAIR PLUS Steering Committee ng International Civil Aviation Organization o ICAO.
Nakakuha ang CATC ng pitumpu’t anim na boto, na nagbigay rito ng isa sa dalawampu’t isang puwestong inilaan para sa mga nominado mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay CAAP Director General, Retiradong Lieutenant General Raul L. Del Rosario, isang malaking karangalan para sa CATC at CAAP ang tagumpay na ito.
Aniya, pagkakataon ito para makibahagi ang Pilipinas sa mga pandaigdigang talakayan tungkol sa pagsasanay sa sektor ng abyasyon, maibahagi ang karanasan ng bansa, at matuto mula sa iba pang mga bansa.
Layunin din nitong higit pang mapalakas ang kaalaman at kakayahan ng susunod na henerasyon ng mga propesyonal sa abyasyon.
Sa pagkakaroon ng kinatawan sa komite, magkakaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na makibahagi sa paghubog ng mga pandaigdigang programa at inisyatiba para sa pagsasanay at pagpapaunlad ng mga manggagawa sa sektor ng abyasyon.
Muling tiniyak ng CAAP ang patuloy nitong pagsusulong ng de-kalidad na pagsasanay at pagpapaunlad ng mga propesyonal upang higit pang mapalakas ang sektor ng civil aviation sa bansa, alinsunod sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Transportation Secretary Giovanni Lopez. | ulat ni Aj Ignacio