Arestado ang 76 na dayuhan sa panibagong operasyon ng Bureau of Immigration (BI) laban sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City, kahapon, October 12.
Sa pinagsanib na operasyon ng BI at Armed Forces of the Philippines (AFP), nadakip ang 74 na Chinese nationals at dalawang Myanmar nationals na hinihinalang sangkot sa online scamming activities.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., nadatnan umano ang mga dayuhan na nagsasagawa ng online scam nang pasukin ng mga awtoridad ang pasilidad.
Sumasailalim na sa inquest proceedings ang mga nahuli at nahaharap sa deportasyon. Kapag nailabas ang deportation orders, isasama rin sila sa blacklist ng BI upang hindi na makabalik sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagpapatuloy ng operasyon laban sa iligal na POGO, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Anti-POGO Act of 2025.