Tuloy-tuloy ang isinasagawang mga paghahanda ng Bureau of Immigration o BI para sa inaasahang dagsa ng mga pasaherong papasok at lalabas ng bansa dahil sa holiday season.
Sa panayam ng programang BOSES, tiniyak ni Bureau of Immigration Spokesperson, Atty. Anisha Hadji Hassan na nakatutok na sila sa 100 percent deployment ng lahat ng E-gates sa lahat ng paliparan sa bansa upang masiguro ang maayos na pagbiyahe ng mga lalabas at papasok sa bansa.
Paalala pa ng BI sa mga biyahero, Pilipino man o foreign national, na tiyakin ang maayos, organisado at makatotohanang deklarasyon sa e-travel registry upang makaiwas sa anomang abala.
Isa sa mga importanteng dapat matukoy sa e-travel registration ay ang health condition at information ng isang pasahero upang sakali mang magkaroon ng emergency ay mabilis din silang marespondehan at matugunan.
Pagtitiyak pa ng BI na naka-deploy na rin ang kanilang mga tauhan upang tiyaking magiging mabilis ang immigration process ng mga biyahero.