Iginiit ni House Prosecutor Representative Chel Diokno na ang sentro ng Article II ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay ang katapatan ng isang opisyal, lalo na sa usapin ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Sa Day 38 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Senator-Judge Lito Lapid si Diokno kung ano ang dapat maunawaan ng publiko sa napakaraming dokumento at numerong inihaharap sa Impeachment Court.
Sinabi ni Diokno na ang mahalagang mensahe nito ay ang “malinis na opisyal, walang tinatago.”
Aniya, mahalagang suriin ang mga bank records, Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Securities and Exchange Commission (SEC) documents na iniharap sa Impeachment Court dahil ang mga ito ay direktang nagmula sa mga institusyon at maaaring beripikahin.
Binigyang-diin niyang ang kaso ay hindi lang tungkol kay VP Sara bilang isang tao, kundi tungkol sa tiwala ng publiko, wastong pamumuno, at pananagutan ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.