Itinuturing ni Financial Forensic Analyst Atty. Alexander Cabrera na posibleng palatandaan ng sinadyang pagtatago ng yaman ang malaking kakulangan sa idineklarang ari-arian ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) gayundin ang kuwestiyonableng financial statements ng mga kumpanyang iniuugnay sa kanya at sa asawang si Atty. Manases Carpio.
Sa Day 38 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ipinaliwanag ni Cabrera kay Senator-Judge Risa Hontiveros na hindi sapat na hindi lang naideklara ang isang ari-arian sa SALN para maituring itong unexplained wealth.
Mahalaga rin aniyang matukoy kung may sinadyang pagtatago nito.
Pinunto ni Cabrera na kapag ang yaman ay malinaw na hindi proportional sa ligal na kita at paulit-ulit itong nangyayari sa paglipas ng mga taon, nagiging mahalagang indikasyon ito.
Dagdag pa niya, kahina-hinala rin ang mga kumpanyang nag-uulat ng malaking kita pero mababa ang kapital at nagtatala pa rin ng pagkalugi sa kanilang financial statements.