Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi pagsisimula ng gulo sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya ang pagtindig ng Pilipinas sa soberanya at karapatan nito sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad, ugali na ng mga mananakop na magkalat ng kanilang naratibo upang maisulong ang kanilang interes, kaya’t malinaw na sila ang nanggugulo.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na hindi sila pasisiil sa pagganap sa tungkulin para protektahan at pangalagaan ang karapatan ng bansa salig sa itinatakda ng international law, arbitral award, at UNLCOS.
Magugunitang sinabi ni Vice President Sara Duterte na troublemaker sa rehiyon ang Pilipinas makaraang idepensa nito ang kaniyang pakikipagtransaksyon sa China sabay pagkuwesyon sa umano’y pagtanggap ng pondo ng kaniyang asawa para sa negosyo nito.