Muling ipinatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaan na may ginagampanang papel sa aksiyon ng gobyerno sa super El Niño.
Layunin ng pulong na ginawa ay para palakasin ang paghahanda at pagtugon sa epekto ng El Niño partikular na sa suplay ng pagkain at tubig, agrikultura, at enerhiya.
Sa meeting na ipinatawag ay binigyang-diin rin ng Punong Ehekutibo ang pagpapaigting sa mga kailangang aksiyon upang masiguro ang kahandaan ng mga ospital, dam, at sakahan sa inaasahang epekto ng tagtuyot.
Napag-usapan din ang dapat na maayos na koordinasyon ng mga ahensya para maipatupad ang mga hakbang para sa food security, water management kasama na ang irigasyon, at sapat na suplay ng enerhiya at krudo.
Kasama din sa agenda ang maigting na information dissemination ukol sa mga dapat na gawin sa panahon ng tagtuyot habang hiningi din ng Palasyo ang pakikiisa ng mamamayan sa panahon ng el nino phenomenon.