Nilinaw ni lead prosecutor at Batangas Representative Atty. Gerville Luistro na pinagkasunduan ng buong prosecution panel, kabilang ang kanilang mga pribadong abogado, ang desisyong iurong ang tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Pinagtibay ng Senate impeachment court ang pag-atras sa tatlong artikulo: Article I, na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds; Article III, na may kaugnayan sa bribery; at Article IV, na tumutukoy sa grave threats.
Dahil dito, Article II na lamang ang natitirang lilitisin at pagdedesisyunan ng hukuman. Kabilang dito ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na kayamanan (unexplained wealth), maling deklarasyon ng ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at mga bawal na interes sa negosyo.
Bago nito, iginiit ni Luistro na hindi nangangahulugang mahina ang tatlong inurong na sakdal dahil, aniya, pantay-pantay ang tibay ng apat na artikulo.