Naniniwala si House Prosecutor Joel Chua na mas madaling maunawaan ng karaniwang Pilipino ang ” hindi maipaliwanag na yaman” o “unexplained wealth” na kaso nila kay VP Sara Duterte.
Paliwanag ni Chua, ito ang pangunahing dahilan kung bakit inatras ng prosecution ang mga article na may kaugnayan sa confidential funds, suhol, at grave threats sa Senate Impeachment Court.
Pero binigyang diin nito na lahat ng kanilang kaso o articles of impeachment ay malakas.
Ngayon ang Article II na lamang ang tanging akusasyon kung saan pwedeng hatulan ng senator-judges si VP Duterte ng convicted o acquitted matapos tanggapin ng impeachment court ang pag-atras ng prosecution sa tatlong iba pang probisyon.
Magugunitang tumestigo ang forensic financial expert na si atty. Alexander Cabrera na batay sa kaniyang pagsusuri, umaabot sa mahigit ₱817.87 milyon ang sinasabing hindi idineklarang kayamanan ni Duterte at ng kaniyang asawa mula 2022 hanggang 2025—isang konklusyon na kailangang pabulaanan ng kampo ng defense.
Binigyang-pansin din ni Chua ang mga remittance mula sa China at Hong Kong na pumasok sa CALE88 Foods Corp., pati na rin ang mga hindi pagtutugma sa idineklarang net worth ni Duterte at ang kaniyang mga business interest na inilatag sa ilalim ng Article II.
Inaasahang magsisimulang magpresenta ng kanilang mga ebidensya ang mga abogado ni Duterte ngayong darating na Nobyembre.