Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng United Parcel Service sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Sa naging talumpati ng Pangulo, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng logistics hindi lamang para sa kalakalan kung hindi pati na din panahon ng mga disaster at kalamidad.
Malaking tulong aniya dito ang papel ng mga nasa pribadong sektor na nasa ganitong larangan ng logistics lalo na ngayong panahon ng super El Niño.
Mahalaga aniya na habang naghahanda ang pamahalaan sa epekto ng tagtuyot ay masiguro ang mabilis na paghahatid at pamamahagi ng mga kakailanganin ng mga tao gaya ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan aniya ang pagkaantala sa suplay, mababawasan ang pagtaas ng presyo, at matitiyak na mananatiling abot-kaya at madaling makuha ng mga pamilyang Pilipino ang kanilang mga kailangan.