Muling tiniyak ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Aldeguer-Roque na walang magaganap na pagtataas o pagbabago sa presyo ng basic necessities at prime commodities sa kabila ng banta ng Super El Niño.
Ayon kay Roque, kabilang sa mga ito ang bottled water, na may matatag na presyo at sapat na suplay.
Sa kabila nito, pinaalalahanan ni Roque ang publiko na iwasan, kung maaari, ang panic buying o hoarding ng mga pangunahing bilihin, lalo na ng bottled water.
Kapag ginawa ito ng nakararami, hindi ito makatutulong dahil maaari itong magdulot ng kakulangan sa suplay at artipisyal na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ipinaliwanag na kung biglang tataas ang demand nang walang sapat na dahilan, maaaring hindi ito matugunan ng suplay sa merkado.
Idinagdag pa ng kalihim na sa ngayon ay wala pang kahilingan mula sa mga manufacturer at producer na magtaas ng presyo ng mga bilihin.