Iniutos na ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pag-iisyu ng show cause order sa truck driver na sangkot sa karambola ng apat na sasakyan sa Ortigas Avenue Extension, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal, nitong weekend.
Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang drayber ng naturang truck sa isang matarik na kurbadang bahagi ng kalsada, dahilan para lumampas ito patungo sa kabilang lane at mabangga ang apat na sasakyan. Isang siklista rin ang natabunan naman ng buhangin mula sa truck.
Dahil dito, inatasan na ang driver at rehistradong may-ari ng truck na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, sa Huwebes, October 22, para magsumite ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi dapat managot sa Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng naturang drayber at inatasan siyang agad itong isuko sa IID.
Inilagay na rin sa alarma ang naturang truck habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.