Hindi tututulan ng Palasyo ang mungkahing pag-amyenda sa treason law kung makakabuti naman ito sa bansa.
Pahayag ito ng Malacañang kasunod ng post ni Philippine Coast Guard (PCG) Rear Admiral Jay Tarriela na panahon na para amyendahan ang Article 114 ng Revised Penal Code at mapaaresto ang aniya ay mga makapili o taksil sa bayan.
Sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, depende sa magiging balangkas ng batas kung kakayanin ang pagkakaroon ng amendment.
Kung nakakasagabal at magkakaroon talaga ng isyu sa national security bukod pa kung paborable ito sa bansa ay hindi aniya nila ito sasalungatin.
Basta’t para sa interes aniya ng bansa ay dapat na magkaisa sabi ni Castro.