Patuloy ang isinasagawang pagbabantay at pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) upang mabawasan ang mga insidente ng landslide.
Sa panayam ng programang BOSES kay DENR-MGB Assistant Director Dr. Karlo Queano, sinabi niyang hindi na bagong isyu sa bansa ang mga landslide-prone area, lalo na sa mga bahagi ng Northern Luzon at ilang bahagi ng Mindanao.
Kaya naman, patuloy ang mga pag-aaral ng DENR-MGB upang higit pang mapahusay ang kanilang sistema at mapaghandaan, sa pamamagitan ng mga engineering mitigation measure, ang mga lugar na posibleng magkaroon ng landslide.
Patuloy din ang pagbibigay ng DENR-MGB ng threat advisory, lalo na sa mga lugar na posibleng tamaan ng masamang panahon o kaya ay mga lugar na niyanig ng lindol na maaaring pagmulan ng earthquake-induced landslide.