Inirekomenda na sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at iba pang mga bansa ang mga hakbang upang maiwasan ang nihilistic violent extremism (NVE) o marahas na ekstremismong dulot ng kawalan ng paniniwala sa mga bata sa mga paaralan.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Nestor Sanares, na siya ring chair ng ASEAN Senior Officials Meeting on Transnational Crime, layunin ng mga inirekomendang hakbang na mapigilan ang pagkalat ng ganitong uri ng extremist movement na maaaring makaapekto sa mga mag-aaral.
Sinabi ni Sanares, na bumuo na rin ang Pilipinas ng mga planong pagtugon katuwang ang Department of Education, Philippine National Police, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga hakbang ang pagsasagawa ng mga briefing para sa mga samahan ng mga magulang at guro o Parent-Teacher Associations o PTAs, pagpapalawak ng partisipasyon ng mga pulis sa mga aktibidad sa paaralan, at pagpapahintulot sa mga barangay tanod na makapasok sa mga paaralan.
Ayon kay Sanares, ang pagpasok ng mga barangay tanod sa mga paaralan ay isasagawa alinsunod sa isang memorandum of agreement sa pagitan ng DepEd at DILG.
Layunin ng mga hakbang na palakasin ang koordinasyon ng mga paaralan, magulang, kapulisan, at mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang marahas na ekstremismo at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral.