Binigyang diin ng Palasyo na hindi nawawala ang magandang relasyon ng Pilipinas at ng China sa kabila ng naging palitan ng pahayag nitong mga nakaraang araw sa pagitan ng Chinese Embassy at ilang opisyales ng pamahalaan.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na bagamat may naganap na mga batuhan ng mensahe ay hindi nawawala ang focus ng Pangulo na mapag-usapan ito sa diplomatikong pamamaraan.
Bagamat patuloy aniyang tinitindigan ng administrasyon ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay gagawin ito hindi sa pamamaraang may aggression o sa marahas na kaparaanan.
Idadaan aniya sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung ano ang dapat na hakbang para mas maging maayos pa ang pakikipag-usap sa bansang China.
Hindi aniya tayo dapat maligaw o mawala sa pokus sa kabila ng mga kaganapan hinggil sa relasyon ng Pilipinas at ng China gayung ang nais ng Pangulo ay magpatuloy ang magandang relasyon ng dalawang bansa.