Hindi maituturing na ebidensiya sa impeachment trial ang mga pagtanggi at paliwanag ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang mga social media post at press conference, ayon kay House prosecutor Leila de Lima.
Tugon ito ni De Lima nang hingan ng reaksiyon sa pinakahuling social media post ng Bise Presidente kung saan itinanggi nitong may-ari siya ng Jollibee franchise.
Ayon kay De Lima, hindi ito ginawa under oath kaya hindi ito maituturing na ebidensiyang maaaring pagbatayan ng impeachment court.
Binigyang-diin niyang nasa panig ng Bise Presidente ang pagpapasya kung haharap ito sa impeachment court upang personal na ilahad ang kaniyang panig at depensa, sa tulong ng kaniyang mga abogado.
Pero matagal na aniya nilang hinihintay na humarap si Duterte sa Senate impeachment court upang personal na sabihin sa ilalim ng panunumpa ang kaniyang panig, posisyon at depensa.