Nagsasagawa ang Department of Tourism (DOT) ng isang buwang pagsasanay para ihanda ang mga tourism frontliner sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo at pagpapakita ng natatanging Filipino hospitality sa mga delegado ng 49th ASEAN Summit and Related Meetings sa Nobyembre.
Nakabatay ang programa sa Filipino Brand of Service Excellence (FBSE) at layuning ihanda ang mga kalahok bilang liaison officers, information officers, at ushers sa mga itinalagang venue, akreditadong hotel, at paliparan. Nitong Oktubre 19, umabot na sa 244 na kalahok mula sa pitong batch ang sumailalim sa pagsasanay.
Dinisenyo ang curriculum sa pangunguna ni DOT Assistant Secretary Ma. Christina G. Aquino, isang eksperto sa tourism at hospitality education. Kabilang sa mga paksa ng pagsasanay ang wastong asal sa mga diplomatikong okasyon, social graces, propesyonal na pag-aayos ng sarili, mahusay na serbisyo at paghawak sa mga reklamo, teamwork, komunikasyon, at pamamahala sa mga conference venue at logistics.
Kabilang sa mga resource speaker ang mga eksperto sa diplomasya, aviation, edukasyon, at hospitality, gaya ni dating Ambassador Laura Quiambao-Del Rosario, dating Philippine Ambassador at APEC Senior Officials Chair; Director Ian U. Cacho ng CAFA Manila at dating Qatar Airways Cabin Services Director; at iba pang kinatawan ng tourism at meetings, incentives, conferences, and exhibitions (MICE) industry.
Dadaan din ang mga kalahok sa stress tests, panel interviews, site inspections, at positioning exercises upang masukat ang kanilang kahandaan, matukoy ang angkop na assignment, at maging pamilyar sa kanilang mga puwesto bago ang aktuwal na deployment.
Samantala, magsusuot ang mga piling usher ng mga unipormeng may disenyong hango sa tradisyonal na telang Binakol mula sa Ilocos Region, bilang pagpapakita ng husay ng mga Pilipino sa paghahabi at mayamang pamana ng kultura ng bansa.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, pagkakataon ang pagho-host ng ASEAN Summit upang maipakita sa international delegates ang pinakamahusay na serbisyong Pilipino at mainit na pagtanggap sa mga bisita.
Kabilang sa mga sumasailalim sa pagsasanay ang mga tauhan ng DOT at mga attached agency nito, ushering group ng Cultural Center of the Philippines, mga estudyante ng tourism, hospitality, at diplomacy programs mula sa iba’t ibang unibersidad, at mga organisasyong akreditado ng Philippine Tour Operators Association (PHILTOA).
Binigyang-diin din ni Angara-Mathay na bukod sa matagumpay na pagdaraos ng summit, nais ng DOT na mag-iwan ang mga delegado ng positibo at pangmatagalang impresyon sa Pilipinas at sa mga mamamayan nito, na inaasahang magpapalakas sa pagkakaibigan ng mga bansa sa rehiyon at makahihikayat sa mga bisita na muling bumalik upang mas makilala ang bansa.