Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa na magtatag ng sariling Business Permits and Licensing Offices o BPLO, gayundin ng mga permanenteng posisyon para sa mga opisyal na mamamahala rito.
Ito ay para mapabilis ang mga transaksyon ng publiko sa pagkuha ng business permit, makahikayat ng mga mamumuhunan, at mapalakas ang lokal na ekonomiya.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-055, binigyang-diin ng kagawaran ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na sistema ng business permitting at licensing.
Sa datos ng DILG, nasa 75.53% pa lang ng mga lungsod at munisipalidad ang mayroon nang BPLO habang 23.47%, ang nakapagtatag ng permanenteng plantilla positions para sa Business Permit and Licensing Officers.
Dahil dito, hinimok ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng mga ordinansa para sa pagtatatag ng mga tanggapang ito at paglikha ng permanenteng posisyon para matiyak ang tuloy-tuloy, at maaasahan serbisyo sa publiko.