Inaasahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na maitatala ngayong 2026 ang pinakamataas na bilang ng mga housing unit na nabigyan ng License to Sell o LTS.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, posibleng ito ang maging pinakamataas na record mula noong 2022.
Ayon sa kalihim, patunay ito ng patuloy na paglago ng sektor ng pabahay, kasabay ng pagdami ng mga developer na nakikilahok sa mga programa ng pamahalaan.
Isa sa nakaambag rito ang mas inclusive na expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program, na nagbibigay ng mas maraming opsyon para sa mga pamilyang may iba’t ibang kakayahang pinansyal.
Kabilang dito ang Enhanced Community Mortgage Program, rental housing, at temporary shelter para sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.
Para naman sa mga bibili ng bahay, may iba’t ibang subsidized housing loan rates din na alok ang PAG-IBIG.
Samantala, ikinalugod naman ng DHSUD ang matagumpay na National Housing Expo noong October 19 hanggang 20 sa SMX Convention Center sa Pasay City, kung saan bumida ang nasa humigit-kumulang 50,000 ready-for-occupancy housing units mula sa 80 developers.