Kinondena ng ilang kongresista ang social media post ng Chinese Embassy sa Maynila na naglista sa mga mambabatas na hindi umano welcome sa China matapos silang maglabas ng joint statement laban sa mga pagbabanta at panggigipit ng China.
Ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, ipinagmamalaki niyang kabilang siya sa mga naninindigan laban sa umano’y intimidation at aggression ng China.
Hirit pa niya, hindi lang pala sa West Philippine Sea ang panggigipit ng Tsina — kundi pati na rin sa larangan ng diplomasya.
Sinabi naman ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na hindi sila matatakot sa naturang listahan at iginiit na walang puwang sa diplomasya ang embahadang umaasal na parang internet troll.
Para kay Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima, isa itong panibagong halimbawa ng pagbabanta at pananakot ng China, at wala siyang balak magpatanggal ng pangalan sa listahan ng mga nagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Handa naman si Pinoy Workers Party-list Representative Karl Fernandez Legazpi na panindigan ang karapatan ng mga Pilipino, partikular ng mga mangingisdang patuloy umanong hina-harass ng mga barko ng China sa mga katubigang may karapatan silang pangisdaan.
Giit ng mga mambabatas, higit na mahalaga ang pagtatanggol sa soberanya at pambansang dangal kaysa sa pribilehiyong tanggapin o makapasok sa China.