Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Sulu Governor Abdusakur “Toto” A. Tan II kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa mga mahistrado sa kanilang pagdalo sa inauguration at ribbon-cutting ceremony ng Sulu Hall of Justice sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Tan na ang pagpapatayo ng Sulu Hall of Justice ay hindi lamang simpleng pagtatayo ng isang modernong gusaling yari sa semento at bakal, kundi isang makabuluhang simbolo ng sama-samang pagbabago at matatag na hangarin ng mga Suluanon na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan.
Binigyang-diin din ng gobernador na hindi magiging ganap at pangmatagalan ang kapayapaan kung walang umiiral na hustisya. Aniya, sa Sulu, ang matatag na pundasyon ng batas ang nagsisilbing sandigan sa pagpapatatag at pangangalaga sa kapayapaang matagal nang minimithi ng mga mamamayan.
Ayon kay Governor Tan, ang pagbubukas ng naturang pasilidad ay hindi lamang nangangahulugan ng pagbubukas ng mga silid-panghukuman, kundi pati na rin ng mga bagong pintuan tungo sa tiwala, pagiging patas at panibagong pag-asa para sa bawat Tausug.
Binigyang-diin pa ni Tan na ang Sulu Hall of Justice ay sumasalamin sa paninindigan ng pamahalaang panlalawigan na itaguyod ang isang lipunang pinaiiral ang pantay na pagtrato sa ilalim ng batas, mabilis at makatarungang paglutas sa mga usapin, at isang kapayapaang matatag at pangmatagalan.
Para sa gobernador, ang pagtatayo at pagbubukas ng Sulu Hall of Justice ay isang mahalagang hakbang tungo sa higit na pagpapalakas ng sistema ng hustisya sa lalawigan, na nagsisilbing pundasyon ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan at ng patuloy na pagsusulong ng kapayapaan sa Sulu.