Maaaring umabot pa hanggang taong 2028 ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte kung hindi inatras ng prosecution team ang tatlong articles of impeachment laban sa kanya.
Ayon kay House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, isinaalang-alang ng panel ang kapakanan ng lahat ng panig sa kanilang desisyong iurong ang mga usapin ukol sa grave threats, confidential funds, at bribery.
Habang tututok na lamang sa Article 2 o hindi maipaliwanag na kayamanan (unexplained wealth) ng Bise Presidente.
Aniya, isa sa mga pangunahing dahilan ay ang napakahabang pagsisiyasat (cross-examination) ng mga abogado ng Bise Presidente sa mga testigo ng prosecution, na sa ilang pagkakataon ay mas tumagal pa kaysa sa mismong direct examination.
Binigyang-diin din niya na matagal nang naghihintay ang mamamayang Pilipino sa kahahantungan ng mga imbestigasyon na nagsimula pa noong 2024.
Karapatan aniya ng taumbayan na makita ang katapusan ng napakahabang prosesong ito.