Sinimulan na ng Department of Agriculture o DA ang imbestigasyon sa pagdami ng imported na baboy sa bansa
Ito ay para matukoy kung nakapipinsala ito sa local hog industry at kung kinakailangan ang temporary trade protection para sa mga lokal na magbababoy.
Iniutos ni Agriculture Sec. Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang motu propio investigation sa ilalim ng Republic Act No. 8800 o Safeguard Measures Act kung saan kabilang sa sisilipin ang pagbaba ng presyo ng baboy sa farmgate at kita ng mga producer, pagliit ng bahagi ng lokal na produkto sa merkado at antas ng self-sufficiency, pagtaas ng dependence sa imported na baboy, at paglaki ng imbentaryo ng mga negosyante.
Saklaw ng imbestigasyon ang chilled at frozen pork gayundin ang mga lamang-loob at taba nito mula 2021 hanggang Agosto 2026.
Ayon sa kalihim, mahalagang matukoy kung may direktang ugnayan ang pagdami ng importasyon sa pinsalang nararanasan sa lokal na industriya.
Kabilang ang European Union sa mga pangunahing stakeholder sa imbestigasyon, matapos itong magtala ng humigit-kumulang 47% ng mga import ng mga produktong saklaw mula 2021 hanggang 2025. Kabilang din sa mga pangunahing supplier ang Brazil, Spain, Canada, Netherlands, at United States.
Hinimok naman ng DA ang mga interesadong partido na magsumite ng komento, ebidensya, at posisyon sa loob ng limang araw.