Photo courtesy of Rep. PM Vargas/Facebook
Naghain si Quezon City 5th District Representative PM Vargas ng panukala na magbibigay-daan sa mga Pilipino na ipagpalit sa pera, pagkain at iba pang pangunahing bilihin ang kanilang mga recyclable na basura.
Sa ilalim ng House Bill No. 11146 o “Basura to Ayuda Act,” maaaring mag-ipon at magdala ng mga recyclable materials ang mga indibidwal, pamilya, homeowners association at civic organizations kapalit ng katumbas na puntos na maaaring ipalit sa groceries, pagkain at cash.
Kahalintulad ito ng Trash to Cashback ng Quezon City government na nagbibigay ng mga pangunahing bilihin, gaya ng bigas at itlog, kapalit ng mga recyclable na materyales.
Ayon kay Vargas, layunin nitong palakasin ang recycling at pangangalaga sa kalikasan habang nagbibigay ng pagkakataon sa mga mamamayan na kumita mula sa kanilang mga basura.
Nakasaad sa panukala na katumbas ng isang kilo ng commercial-quality rice o katumbas nitong halaga sa pera ang bawat isang kilo ng recyclable plastic.
Samantala, dalawang kilo ng bigas o katumbas nitong cash value ang maaaring ipalit sa bawat isang kilo ng metal waste.
Itatakda naman ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry ang mga pamantayan sa pagtatayo ng mga trade-in center at sa palitan ng mga recyclable materials sa buong bansa.