Kapwa nanawagan Manila Rep. Joel Chua at Batangas Rep. Gerville Luistro na idaan sa diplomatikong proseso ang paglutas sa kontrobersiya kaugnay ng mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.
Ayon kay Chua, kaisa siya ng mga kapwa mambabatas na tumututol sa mga pahayag ng ambassador na itinuturing na nakasasakit at pagbabanta sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Chua na dapat ipaubaya sa Pangulo at Department of Foreign Affairs o DFA ang pagtugon sa usapin, habang isinasaalang-alang ang posibleng epekto ng anumang hakbang sa ugnayang Pilipinas at China, kabilang ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers na nagtatrabaho sa naturang bansa.
Samantala, iginiit naman ni Luistro na dapat ipagtanggol ng Pilipinas ang soberanya nito at ituloy ang mapayapang paraan ng paglutas sa sigalot sa China.
Binigyang-diin ni Luistro na hindi dapat maging biktima ng panggigipit ang mga Pilipino sa sarili nilang bansa at dapat tugunan ng pamahalaan ang mga pahayag ng mga dayuhang diplomat na hindi nagpapakita ng paggalang sa Pilipinas.