Pagpapasimple ng mga regulasyon at pagpapabilis ng serbisyo publiko. Ito ang sentro ng talakayan sa ika-11 pagpupulong ng ASEAN-Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD) Good Regulatory Practices Network na idinaraos sa Maynila ngayong araw, Oktubre 21.
Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Ernesto V. Perez ang kahalagahan ng mas malinaw at epektibong mga regulasyon upang mapadali ang paglilingkod sa publiko at pagnenegosyo.
Ayon sa kanya, hindi sapat ang pagdi-digitalize ng mga proseso kung hindi muna inaalis ang mga hindi kailangang hakbang at requirements.
Kaugnay nito, binigyang-diin din ni OECD Director for Public Governance Elsa Pilichowski ang pangangailangang matugunan ang lumalalim na pagiging komplikado ng mga regulasyon kasabay ng pagpapanatili ng proteksiyon sa publiko.
Samantala, sa mensahe ng Office of the President, sinabi ni Deputy Executive Secretary Danielle Marie Rieza-Culangen ang pagbuo ng mas simple, makatarungan at citizen-centric na mga proseso sa pamahalaan.
Sa loob ng tatlong araw, magpapalitan ng karanasan at praktikal na solusyon ang mga kinatawan ng ASEAN, OECD at mga kasamang organisasyon dito sa Maynila upang maisulong ang mas maayos na pamamahala, mas mabilis na serbisyo, at mas magandang kapaligiran para sa negosyo at mamamayan ng rehiyon.