Naniniwala ang isang security analyst na kayang dipensahan ng Pilipinas ang teritoryo nito mula sa banta ng China.
Ginawa ng Historian at Security and Defense Analyst na si Jose Antonio Custodio ang pahayag makaraang sabihin ng Chinese Ambassador na si Jing Quan na kayang lupigin ng China ang Pilipinas sakaling naisin nito.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Custodio, sinabi nito na maaaring magawa ito ng China kung kagaya pa rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bersyon nito 15 taon na ang nakalilipas.
Sa ngayon kasi aniya, marami na ring makabagong weapon system ang AFP at mayroong matataas na antas ng mga pagsasanay dulot ng modernization program ng tatlong magkakasunod na administrasyon.
Ayon kay Custodio, sakaling magkagirian ang China at Pilipinas, dipende aniya sa lokasyon ang magiging resulta.
Aniya, kapag ang sitwasyon ay nasa may malaking puwersa rin ng Pilipinas, makakapalag din ang AFP upang depensahan ang teritoryo ng bansa.
Sinabi pa ni Custodio na kung lalawak at tatagal ang hidwaan, posible na pumasok ang Estados Unidos dahil sa Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa, na ayaw rin namang mangyari ng China.
Panoorin ang bahagi ng panayam sa link na ito: https://www.facebook.com/reel/3074841999526660