Iginiit ni House lead prosecutor Gerville Luistro na hindi masasayang ang mga ebidensyang inilatag ng prosecution panel kaugnay ng tatlong withdrawn articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Aniya, maaari pa ring magamit ang mga ebidensyang ito sa iba pang legal na proseso, kabilang ang mga posibleng kasong kriminal na maaaring isampa laban sa Bise Presidente at iba pang personalidad sa pamamagitan ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.
“As part of our appeal to the public, huwag po tayong manghinayang, because these articles are not gone into waste. Sapagkat tuloy-tuloy po ang ibang ahensya ng ating pamahalaan to pursue criminal action with respect to these articles of impeachment,” paliwanag ni Luistro.
Kabilang sa mga iniurong na artikulo ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, bribery, at grave threats.
Ayon kay Luistro, handa ang House prosecution panel na isumite sa Ombudsman ang mga ebidensya kaugnay ng mga nasabing alegasyon, sa sandaling makatanggap sila ng subpoena mula sa tanggapan.
Sinabi ni Luistro, na bahagi ito ng mekanismo ng accountability at transparency na hindi lamang nakapaloob sa impeachment proceedings, kundi maging sa mga imbestigasyon ng Ombudsman.
“We have expressed already our willingness to respond to the request of the ombudsman, but I think it will be best if we wait for the subpoena issued by the ombudsman. And gladly, we will immediately turn over the pieces of evidence for graft and bribery to the Office of the Ombudsman,” ani Luistro.
Una na aniyang sinabi ng Ombudsman na sakaling makakita ng sapat na batayan at makabuo ng reasonable certainty of conviction, maaari itong magsampa ng kaukulang kaso sa Sandiganbayan.