Binigyang-diin ng Malacañang nitong Martes na nangangailangan ng masinsinan at mas malalim na pag-aaral ang panukalang pagbuhay sa parusang kamatayan (death penalty) para sa mga sangkot sa malawakang pagpupuslit at trafficking ng iligal na droga, partikular na ang epekto nito sa relasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pansamantalang pinipigilan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng anumang pinal na posisyon habang isinasagawa pa ang masusing pagtatasa sa panukala.
“Hindi po muna magbibigay ng anumang stance ang Pangulo. Hayaan nating aralin ito nang mas malalim,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Malacañang.
Sa kabila nito, tiniyak ng Palasyo na puspusan ang suporta ng administrasyon sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang tugisin at panagutin ang mga nasa likod ng iligal na droga.
Ipinapaabot ni Castro ang direktiba ng Pangulo na paigtingin ang kampanya laban sa mga sindikato at kontrabando na sumisira sa kinabukasan ng mga Pilipino.
“Kaya nga iyan ang utos ng Pangulo. Sugpuin ang kontrabando, ang mga illegal na droga na sumisira sa buhay ng mga Pilipino. Hindi puwedeng magtulog-tulugan dito,” ani Castro. Idinagdag pa niya na anuman ang lalim ng pinag-uugatan ng operasyon ng mga sindikatong ito, kailangan itong tuluyang puksain at alisin sa lipunan.