Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagtugis sa mga suspek na sangkot umano sa pagpatay sa isang kapitan ng barangay sa Lungsod ng Sto. Tomas, Batangas.
Ito’y ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio. Nartatez, Jr. ay kasunod na rin ng pagkakaaresto sa isa sa anim na indibidwal na pinaniniwalaang may kinalaman sa krimen.
Kinilala ang naarestong suspek na si Michael Ben Calalo, 30, na umano’y nagmaneho ng motorsiklo at tumulong sa pagtakas ng bumaril kay Barangay Captain Dennis Austria.
Pinaslang si Austria sa labas ng kanyang tirahan sa My Homes Subdivision, Barangay Sta. Anastacia, bandang alas-6:20 ng umaga noong Oktubre 15.
Bukod sa gunman na nakilalang pinsan ni Calalo, dalawa pang suspek ang tinukoy bilang mga umano’y utak sa krimen.
Ang isa ay negosyanteng may-ari ng kumpanya ng towing services at tumakbo ngunit natalo bilang barangay kagawad sa halalan noong 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE); at ang kanyang tiyuhin, na isa ring negosyante.
Samantala, dawit din sa kaso ang empleyado ng kumpanya ng towing services na umano’y nagmaneho ng puting Suzuki APV na ginamit sa pagdadala sa bumaril at ng motorsiklo papasok sa subdivision.
Gayundin ang isang 44-anyos na barangay kagawad na umano’y nagmanman sa mga kilos ni Austria.
Batay sa pinakahuling ulat ng imbestigasyon, nananatiling at large ang lima pang suspek.
Dahil dito, inatasan ni Nartatez ang Special Investigation Task Group (SITG) Austria at ang mga kinauukulang yunit ng pulisya na ipagpatuloy ang hot pursuit operations, at palakasin ang pangangalap ng ebidensiya upang matukoy ang buong lawak ng umano’y sabwatan.