Inilunsad ng Water Resources Management Office ng Department of Environment and Natural Resources (WRMO-DENR) ang kampanyang “Kalasag, Laban sa Tagtuyot” upang palakasin ang kamalayan at paghahanda ng mga komunidad sa Metro Manila laban sa banta ng matinding tagtuyot.
Sa ilalim ng gawaing ito, binibigyang-diin ang kahalagahan ng bawat patak ng tubig at ang responsableng pamamahala nito, lalo na sa mga village at condominium. Layunin ng DENR na hikayatin ang mga residente na gawing bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang matalinong pagkonsumo at pangangalaga sa yamang-tubig.
Gabay sa mga Konsyumer at Pamayanan
Ayon sa panuntunan ng WRMO-DENR:
- Limitasyon sa Konsumo: Hindi dapat lumampas sa 180 litro bawat tao kada araw ang paggamit ng tubig sa mga tahanan at condominium.
- Pagsusuri sa mga Tubo at Pasilidad: Inirerekomenda ang regular na pag-check ng water meter nang maaga sa umaga o gabi. Kung umiikot pa rin ang meter kahit walang gumagamit ng tubig, nangangahulugan itong may tagas. Maaaring umabot sa 15% hanggang 40% ng buwanang konsumo ang nasasayang dahil sa tagas, at ang pag-aayos nito ay makatitipid ng 500 hanggang 1,000 litro.
- Aksaya sa Lumang Valve: Ang bawat lumang urinal o inidoro na may valve na hindi nagsasara nang buo ay nag-aaksaya ng hanggang 130 cubic meters ng tubig kada buwan, o katumbas ng humigit-kumulang ₱12,000.
Mga Praktikal na Hakbang sa Pagtitipid
Inirerekomenda ng DENR ang mga sumusunod na simpleng gawa sa bahay:
- Gumamit ng balde at tabo: Iwasan ang paggamit ng hose sa paghuhugas ng sasakyan at paglillinis ng driveway.
- Mag-ipon ng tubig-ulan: Gamitin ang nakolektang tubig-ulan sa paglilinang o paglilinis ng bakuran sa halip na potable water.
- Paikliin ang ligo: Ang pagbawas ng 1 hanggang 2 minuto sa pagligo ay nakatitipid ng hanggang 568 litro kada buwan.
- I-defrost nang maaga ang pagkain: I-defrost ang mga frozen food nang maaga upang hindi na kailangang gamitan ng umaagos na tubig.
- Maglagay ng bote sa tangke ng inidoro: Ang paglalagay ng 250-ml na bote sa tangke ay nakatitipid ng 0.25 litro sa bawat flush.
- Gumamit ng palanggana: Sa paghuhugas ng prutas at gulay, gumamit ng palanggana sa halip na patuloy na patakbuhin ang tubig mula sa gripo (nakatitipid ng 20–50 litro kada buwan).
- Mag-test gamit ang food coloring: Magpatak ng food coloring sa tangke ng inidoro upang makita kung may leak patungo sa bowl; ang pag-aayos nito ay nakatitipid ng hanggang 3,785 litro kada buwan.
Matalinong Pamumuhunan sa Kagamitan
Maaari ding makatipid sa pamamagitan ng pag-invest sa tamang kagamitan tulad ng:
- Faucet aerator/filter: Mura at epektibong pambawas sa dami ng tubig sa bawat paggamit.
- Thermos: Para sa mainit na tubig upang maiwasan ang pagpapakulo ng buong takure para lamang sa isang tasa.
- Dual flush na inidoro: Nakatitipid ng hanggang 3 litro bawat flush gamit ang mababang flush button.
- Adjustable shower head at garden hose nozzle: Nakatutulong sa kontroladong paggamit ng tubig.
- Energy Star-certified washing machine: Makakatipid ng hanggang 26,498 litro kada taon.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng bawat komunidad at pamayanan, maitataguyod ang isang ligtas at handang Metro Manila laban sa epekto ng tagtuyot. Magtipid ng tubig. Maging handa. Kumilos para sa kalikasan.